SALAMAT PO

by Mia Ghibee

 


 

INYO pong payapain yaring puso

Sa mundong ito na puno ng pagkabigo

Na sa isipa’y patuloy na gumugulo

Tila mga pangarap unti-unting naglalaho.

 

Sa tuwing nalulungkot at nag-iisa

Tila may kulang ang aking nadarama

Hinahanap-hanap ang tunay na ligaya

At kapayapaan na nais kong madama.

 

Kahit saan tumingin laging may kulang

Kabiguan at paghihirap ‘di na mabilang

Tutuloy pa ba o hindi na lang?

Mga paa’y tila kay bigat na ihakbang.

 

Bakit nga ba nababalot ng takot?

Yaring puso’y puno ng pait at kirot

Sa mga pangyayari at mga sigalot

Kaguluhan ang sa aki’y nakapalibot

 

Ngunit nagbago ang lahat nang IKA’Y makilala

Sa bawat araw na ako’y humihinga

Iminulat MO yaring mga mata

Ang buhay pala ay puno ng pag-asa

 

IKAW nga ang aking kanlungan

Ang nag-iisa at lagi kong takbuhan

Na kahit anong unos ang dumaan

SA IYO pa rin nakakaramdam ng kapayapaan

 

IKA’Y nanatiling tapat

Kahit na mawala man ang lahat

Kahit pag-ibig ko’y hindi naging sapat

Napupuno ng pag-ibig mong hindi nasusukat.

 

Salamat po sa pagmamahal MO

Ito ang sinisigaw yaring aking puso

Pasasalamat ay ‘di sapat na bigkasin ko

Upang suklian ang kabutihan MO.

Comments